Ipinag-utos ni Philippine National Police Chief, General Benjamin Acorda Jr. sa lahat ng mga Police Regional Office nito na palakasin pa ang kanilang kampaniya kontra cybercrime.
Ayon kay Acorda, bagaman lumakas na ang kakayahan ng PNP Anti-Cybercrime Group dahil sa puspusang pagsasanay gayundin sa mga makabagong kagamitan, marami pa rin ang kailangang gawin.
Kabilang na rito ang pagpapaigting ng cyber-patrolling at paglutas sa mga kaso ng cybercrime gayundin ang kumbinsihin ang publiko na ibalik ang tiwala nito sa kakayahan ng Pulisya at mapawi ang kanilang mga agam-agam.
Batay sa datos ng PNP sa unang walong buwan ng 2023, aabot sa mahigit 16,000 cybercrime cases ang kanilang inimbestigahan.
Sa naturang bilang, 19 dito ang naisilbing search warrants, nakalap at nasuring computer data, 214 na arrest warrants, at 140 mga ikinasang entrapment operations, gayundin ay nakapagbigay ng technical assistance.
Habang mayroon pang 24 na nagpapatuloy na imbestigasyon katuwang ang iba’t ibang yunit at ahensya ng pamahalaan.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng 397 indibiduwal at pagkakasagip ng mahigit sa 4,000 biktima kung saan, karamihan dito ay may kinalaman sa human trafficking.
Sa huli, sinabi ni Acorda na bagaman malaki ang ibinaba ng crime statistics, magdaragdag pa rin sila ng mga himpilan ng Pulisya, gayundin ay sisikaping makumpleto ang pagbili ng bodyworn camera bilang bahagi ng kanilang anti-criminality drive. | ulat ni Jaymark Dagala