Agresibo nang ikinakampanya ng Bureau of Jail Management and Penology-Quezon City Jail Male Dormitory ang “Bagong Pilipinas” campaign matapos ilunsad kahapon sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Mula kaninang umaga, pinasimulan ng mga jail personnel ang information drive tungkol sa ‘Bagong Pilipinas’ campaign.
Ayon kay City Jail Warden JSupt. Michelle Ng Bonto, isinasagawa nila ito sa pamamagitan ng pamamahagi ng leaflets sa taumbayan.
Partikular dito ang mga dumadalaw na pamilya ng Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa jail facility at sa mga dumadaan sa EDSA.
Ang ‘Bagong Pilipinas’, ay kampanya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nakatuon sa ‘all-inclusive plan’ para sa economic at social transformation.
Kahapon, nakiisa ang QCJMD at PDLs sa Bagong Pilipinas kick-off rally sa pamamagitan ng live streaming sa Satellite Office nito sa Quezon City Jail Male Dormitory. | ulat ni Rey Ferrer