Naghatid ng iba’t ibang serbisyo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Barangay Damayan sa Quezon City kahapon sa ilalim ng Bayanihan sa Barangay Program.
Ayon kay MMDA General Manager Undersecretary Popoy Lipana, layon ng programa na hikayatin ang mga residente ng barangay na panatilihing malinis ang kanilang lugar katuwang ang iba’t ibang departamento ng ahensya.
Nagsagawa ang mga tauhan ng MMDA ng paglilinis sa mga daluyan ng tubig, pagtatabas ng mga puno, pagwawalis sa mga sidewalk, at pagsasaayos ng mga marking sa kalsada at traffic signage sa naturang barangay.
Bukod dito, nagsagawa rin ng misting sa Cong. Reynaldo A. Calalay Memorial Elementary School.
Nakapag-uwi naman ng grocery items ang mga residente kapalit ng kanilang recyclables sa pamamagitan ng Mobile Materials Recovery Facility ng MMDA.
Mayroon din one-stop shop query service para naman makita ng mga motorista kung may paglabag ang kanilang mga sasakyan.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang QC LGU sa MMDA para sa mga serbisyo ng Bayanihan sa Barangay program sa lungsod. | ulat ni Diane Lear