Umaasa ang mga nagtitinda ng manok sa Marikina Public Market na gumanda ang kanilang benta sa mga susunod na araw.
Ito’y dahil sa magaganda at malalaki ang ibinebenta nilang mga manok na kung tawagin ay “oversized.”
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, sinabi ng mga nagtitinda na kaya malalaki ang manok na kanilang ibinebenta ay dahil sa ito anila’y matatanda na at kailangan nang katayin dahil malakas na sa patuka.
Dagdag pa nila, malulugi na ang mga may-ari ng manukan kung hindi pa nila kakatayin ang mga naturang manok na anila’y papasok na sa standard ng mga fast food chain.
Kasalukuyang nasa ₱170 ang kada kilo ng manok habang nasa ₱200 naman ang choice cut.
Una nang inihayag ng United Broiler Raisers Association o UBRA, na nasa ₱89 kada kilo ang farm gate price ng manok. | ulat ni Jaymark Dagala