Nagpahayag ng kahandaan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol sa nangangambang epekto ng El Niño sa mga mangingisda sa rehiyon.
Ayon sa BFAR Bicol, may nakahanda na anila silang mitigation plan para mabawasan ang epekto ng El Niño sa sektor ng mangingisda sa anim na probinsya sa Bicol. Malaki anila ang magiging papel ng mitigation plan upang malaman kung paano mapaghahandaan ang nasabing phenomenon.
Tinututukan ng BFAR Bicol ang kaalaman at pag-aaral ng mga local government units (LGUs) sa mga isda na malakas ang produksyon tuwing tag-init.
Inirerekomenda rin ng ahensya ang regular na monitoring sa kalidad ng tubig at disease monitoring at surveillance upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit sa mga isda.
Gayundin ang pagbabawas ng fish stocking pagsapit ng El Niño upang maiwasan ang pagkakaroon ng fish kill. Ipinaliwanag ng BFAR Bicol na dapat tama o sapat lamang ang bilang ng mga isda sa mga fishpond.
Nagpapatuloy ang monitoring ng ahensya sa sitwasyon ng mga mangingisda sa iba’t ibang probinsya sa rehiyon. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay
Photo: BFAR Bicol