Tiniyak ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) na mananatiling stable ang retail prices ng bangus at tilapia sa National Capital Region (NCR).
Ito ay ayon sa pinakahuling price monitoring report ng DA-BFAR, na sumasaklaw sa 10 pangunahing retail market sa Metro Manila.
Ang medium-sized bangus mula sa Bulacan at Pangasinan ay mabibili sa P180 kada kilo, habang ang medium-sized tilapia na mula sa Batangas at Pampanga ay nagkakahalaga ng P120 kada kilo.
Ayon sa DA-BFAR, wala silang na-monitor sa pagbabago-bago sa umiiral na presyo ng tingi ng bangus at tilapia.
Nananatiling stable ang presyo ng mga uri ng isda mula noong mga nakaraang linggo dahil sa sapat na supply mula sa mga palaisdaan.
Inaasahan naman ng ahensya ang pagtaas ng suplay ng local fresh galunggong sa mga pamilihan.
Samantala, tinapos na rin ang closed fishing season ngayong araw sa Palawan na major source of galunggong sa Luzon. | ulat ni Rey Ferrer