Sinimulan na ng Manila Electric Company (MERALCO) ang Competitive Selection Process o bidding para sa 660 megawatts interim Power Supply Agreement (PSA).
Ito ayon sa MERALCO ay bilang paghahanda na rin para sa inaasahang pagtaas ng demand sa kuryente sa panahon ng tag-init
Ayon sa MERALCO, ginawa nila ang hakbang matapos magpalabas ng Certificate of Conformity ang Department of Energy (DOE) para sa Terms of Reference ng Interim Power Supply Agreement, na sasakop sa 260 megawatts na peak requirement at 400 megawatts na baseload requirement ngayong taon.
Nakasalig anila ito sa inaprubahang Power Supply Procurement Plan ng DOE na nangangailangan ng karagdagang kapasidad upang mapunan naman ang pangangailangan ng kanilang mga consumer.
Dagdag pa ng MERALCO, magiging epektibo ang Interim Power Supply Agreements na ito hanggang Hulyo 2024 at Pebrero 2025.
Sinumang intresado na pumasok sa bidding ay binibigyan ng MERALCO hanggang Enero 15 ng taong ito para makapaghain ng kanilang aplikasyon. | ulat ni Jaymark Dagala