Patuloy na nakakatanggap ng mga lagda mula sa People’s Initiative ang mga local election offices sa buong bansa.
Sa pinakahuling datos ng Commission on Election, umabot na sa 726 ng mga opisina ng local Comelec ang nakatanggap ng mga lagda para sa Charter Change.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, ministerial ang kanilang trabaho kung kaya’t tatanggapin nila ang mga lagda na isusumite sa kanilang mga tanggapan.
Pagkatapos na matanggap ay agad nagsasagawa ang Comelec ng verification ng mga lagda para pagtugmain sa voters list na nasa kanilang tanggapan.
Kailangan makakuha ng 3% mula sa kabuuang bilang ng mga botante ang People’s Initiative sa bawat distrito.
Kapag natapos na ang verification ay agad isusumite ng local offices ng Comelec ang mga dokumento papunta sa Comelec En Banc para ito naman ang magsagawa ng susunod nilang mga pagdinig. | ulat ni Michael Rogas