Itinuturing na matagumpay ng Philippine Red Cross ang kanilang isinagawang operasyon kaugnay ng makasaysayang pagbabalik ng Traslacion ng Itim na Nazareno sa taong ito.
Ayon kay PRC Secretary General, Dr. Gwen Pang, hindi matatawaran ang ipinakitang tapang, sipag at debosyon ng kanilang mga volunteer at staff na ilang linggong naghanda para sa okasyon.
Sa kabuuan, nakapagsilbi ang Red Cross ng may 706 na indibidwal kung saan pinakamarami ang nagpatingin ng vital signs tulad ng blood pressure na nasa 257.
Nasa 215 naman ang naitalang minor cases, 6 na major cases, 34 ang dinala sa Emergency Field Hospital at mga kalapit na ospital, 9 ang binigyan ng welfare assistance at 185 naman ang nakatanggap ng hot meals.
Kasama sa minor case na tinugunan ng PRC ay ang mga nagkaroon ng gasgas, maliliit na sugat, pagkahilo, at iba pa habang sa major case, may nakaranas ng head trauma, mga hinimatay at malaking sugat. | ulat ni Jaymark Dagala