Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang ‘’increased seismic activity’’ sa Bulkang Bulusan habang inulit nito ang babala sa publiko na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer-radius danger zone.
Nakapagtala ang ahensya ng 116 volcanic earthquakes simula alas-9 ng gabi noong December 29 ng nakaraang taon at ang pamamaga ng timog-kanluran at timog-silangan na mga dalisdis mula noong buwan ng Pebrero ng kaparehong taon.
Ayon sa PHIVOLCS, nananatiling nakataas ang Alert Level 1 sa Bulkang Bulusan na nangangahulugang ito ay kasalukuyang nasa low-level unrest na may mas mataas na pagkakataon ng steam-driven o phreatic eruptions.
Pinaalalahanan naman ang mga local government units at ang publiko na ang pagpasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) ay dapat ipagbawal at ang pagbabantay sa 2-kilometer Extended Danger Zone (EDZ) sa Southeast sector ay dapat isagawa sa posibilidad ng biglaang pagsabog ng bulkan.