Pinalawig pa ng Valenzuela City local government ang Business Permit Renewal hanggang sa Pebrero 3, 2024.
Pinahaba ang deadline para mabigyan pa ng sapat na panahon ang mga negosyante sa lungsod na makapag-renew at makapagbayad ng kanilang business permit.
Unang itinakda ng LGU ang first quarter deadline kahapon, Enero 20.
Para sa mga negosyante na walang panahon na makapag bayad online ay maaari nilang bisitahin ang ilang payment centers.
Maaari silang makipag transaksyon sa ilang Business One Stop Shop (BOSS) sa ALERT Multi- Purpose Center Hall sa Malinta,3S Center Ugong,3S Center Punturin,3S Center Karuhatan,3S Center Gen. T. De Leon, 3S Center Marulas at 3S Center Canumay West.
Bukas ang payment centers, Lunes hanggang Biyernes mula alas 8 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon at alas-8:00 ng umaga hanggang alas 2 ng hapon kapag Sabado.
Maaari ring iproseso ang business permit online via #PaspasPermit, gamit ang website ng pamahalaang lungsod na www.valenzuela.gov.ph. | ulat ni Rey Ferrer