Umaabot na sa mahigit P14 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura na iniwan ng sama ng panahon dulot ng shear line sa CARAGA region.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa 638 na mga magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ang kabuhayan partikular sa Agusan del Sur at Surigao del Sur.
Nasa higit 1,000 ektaryang lupain naman ang tuluyang winasak ng malakas na pag-ulan kung saan hindi na maaaring pakinabangan pa ang mga tanim.
Samantala isang bahay sa Agusan del Sur ang iniulat na nasira.
Sa ngayon, nasa mahigit 17,000 pamilya o kabuuang 64,324 na katao ang apektado mula sa 51 barangay sa Agusan del Sur at Surigao del Sur.
Sa nasabing bilang mahigit 1,000 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa 17 evacuation centers habang nasa 4,455 na katao ang mas piniling makituloy sa kanilang kamag-anak o manatili sa kani-kanilang mga tahanan. | ulat ni Leo Sarne