Binigyang linaw ngayon ng CHED na hindi biglaan ang pagiisyu nito ng memo hinggil sa pagpapatigil ng voucher sa Senior High School (SHS) Program sa State Universities and Colleges (SUCs) and Local Universities and Colleges (LUCs).
Ayon kay CHED Chair Popoy De Vera, ilang taon nang nagiisyu ang komisyon ng abiso sa SUCS at LUCS kaugnay ng pagtatapos ng transition period sa SHS program sa mga pampublikong unibersidad.
Katunayan, marami na rin aniyang unibersidad ang hindi na nagaalok ng SHS kahit sa mga nakalipas na taon para mas mailaan ang kanilang pasilidad at personnel sa mga college student lalo’t mandato naman talaga ng mga ito bilang higher education institutions ang mag-alok ng tertiary education.
Wala rin aniyang mga napaulat na estudyanteng natigil sa pag-aaral dahil sa mga SUCs na tumigil sa SHS program.
Paliwanag ni De Vera, layon ng memo na himukin ang SUCS at LUCs na sumangguni na sa kanilang mga board of regents at magdesisyon sa usapin dahil wala nang legal na basehan ang pagpapatuloy ng SHS voucher sa mga SUCs at LUcs.
Nais din malaman ni De Vera kung paano napopondohan ng mga SUCs ang naturang programa kahit lipas na ang subsidy mula sa gobyerno batay sa Kto12 law.
Umaasa si CHED Chair De Vera na makakatugon na sa memo ang mga unibersidad nang madetermina na rin aniya ang sitwasyon, at maging ang mga posibleng opsyon para sa SUCs at LUCs.
Kaugnay nito, handa naman aniya ang CHED na makipagtulungan sa DEPED para masigurong walang estudaynte ang maapektuhan lalo na sa academic year 2024-2025. | ulat ni Merry Ann Bastasa