Umapela ang Commission on Human Rights (CHR) sa pamahalaan na tiyaking matutugunan ang pangangailangan ng mga operator at tsuper na posibleng maapektuhan ng pag-arangakda ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Sa isang pahayag, sinabi ng CHR na nirerespeto at suportado nito ang hangarin ng gobyerno na makapaghatid ng mas ligtas at sustainable na transportasyon.
Gayunman, kailangan aniyang masiguro na magiging inclusive ang programa at walang maiiwan lalo’t karamihan ng PUV operators ay mula sa vulnerable sector.
Dahil dito, hiniling ng komisyon sa gobyerno na masigurong matutulungan at maaalalayan ang mga operator at driver na posibleng mawalan ng pagkakakitaan.
Iminungkahi rin nito ang paglalan ng subsidiya sa programa, pagbuo ng epektibng communication strategy para sa general public, at gawing mas simple ang implementing rules at regulations ng PUVMP.
Una nang sinabi ng LTFRB na magbibigay ng ayuda ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa mga maaapektuhan ng pagpapatupad ng PUV Modernization Program ng pamahalaan. | ulat ni Merry Ann Bastasa