Maagiging operational na sa susunod na buwan ang College Education Behind Bars para sa Persons Deprived of Liberty na nais mag-aral sa kolehiyo kahit na nasa loob ng piitan.
Ang naturang pasilidad ay matatagpuan sa loob ng Davao Prison and Penal Farm sa Lungsod ng Panabo, Davao del Norte.
Ayon kay Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr., nagsimula ang konstruksyon ng gusali noong 2019 na pinondohan ng Dangerous Drugs Board (DDB), Commission on Higher Education (CHED), at mga donasyon sa pamamagitan ng Social Entrepreneurship Technology and Business Institute ( SETBI), isang non-stock, non-profit na organisasyon.
Dagdag pa ni Catapang, ito ay isang magandang pagkakataon para sa mga PDL na ituloy ang pag-aaral sa kolehiyo at makapag-uwi ng diploma na magbibigay sa kanila ng kasangkapan at maging handa sa labas ng piitan kapag natapos na nila ang kanilang sentensya.
Available ang kursong entrepreneurship sa naturang paaralan sa darating na Pebrero. | ulat ni AJ Ignacio