Binigyang diin ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. ang mahalagang tungkulin na ginagampanan ng Bureau of Plant and Industry (BPI) upang mapataas ang food production sa bansa.
Ginawa ni Tiu ang pahayag kasabay ng selebrasyon ng ika-94 na Anibersaryo ng BPI.
Ayon sa kalihim, malaki ang ambag ng BPI sa pag-upgrade ng mga practice sa sektor ng agrikultura gaya ng pagbibigay ng mga binhi at kagamitan sa pagtatanim, paggamit ng mga makabagong teknolohiya, pagkontrol sa mga peste, pagsusulong ng sustainable crop production, at iba pa.
Batay sa datos, umabot sa 72 toneladang mga binhi ng gulay ang naipamahagi ng BPI sa mga magsasaka noong 2023 gayundin ang mahigit 80,000 piraso ng mga kagamitan sa pagtatanim para mapataas ang food production sa bansa.
Mahigit 400,000 clearance naman ang inisyu ng BPI para sa domestic transport upang mapigilan ang pagkalat ng mga peste sa mga pananim.
Sa huli, hinimok ni Tiu ang BPI na patuloy na isulong ang modernization sa Philippine plant industry alinsunod sa tagubilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na iangat ang kalagayan ng mga magsasaka sa bansa. | ulat ni Diane Lear