Ngayong inaasahang titindi pa ang epekto ng El Niño sa bansa, tuloy-tuloy rin ang ginagawang intervention ng Department of Agriculture (DA) para matugunan ang posibleng maging impact nito sa sektor ng pagsasaka.
Ayon kay DA Spokesperson Arnel de Mesa, kasama sa minamadali na ng pamahalaan ang Solar Irrigation Project para sa mga sakahan.
May inisyal na aniyang ₱250-milyong pondo ang inilaan para sa proyektong ito na ipatutupad sa taon ding ito.
Kasama naman sa mga magiging prayoridad sa proyektong ito ang mga lugar sa bansa na kadalasang tinatamaan ng tagtuyot.
Matatandaan nitong nakaraang linggo lang nang simulan na rin ng DA ang serye ng cluster meetings para sa Masagana Rice Industry Development Program na layon namang maplantsa ang mga intervention strategies sa posibleng epekto ng dry spell sa rice production. | ulat ni Merry Ann Bastasa