Ipinag-utos na ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang revamp sa ilang posisyon sa Department of Agriculture.
Ayon sa DA, nag-isyu ng serye ng special orders ang kalihim para sa reassignment ng ilang DA officials.
Kabilang dito si Senior Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian na itinalagang adviser to the secretary bilang miyembro ng Secretary Technical Advisory Group.
Si Undersecretary Nichols Manalo naman ay ang pinangalanang bagong director ng National Rice Program.
Samantala, si Assistant Secretary Arnel de Mesa ay magiging full-time spokesperson na ng DA.
Si OIC-Undersecretary for Operations Roger Navarro, ay magsisilbi na ring OIC-Undersecretary for Rice Industry Development, OIC-National Project Director of the Philippine Rural Development Project, at OIC-Assistant Secretary for Operations.
Si Undersecretary for Fisheries Drusila Esther Bayate ay pinangalanang Undersecretary for Policy, Planning at Regulations habang si Undersecretary Mercedita Sombilla ay itinalaga naman na pangasiwaan ang operasyon at programa ng DA Bureaus.
Ang Chief Administrative Officer at OIC Director for Financial and Management Service na si Thelma Tolentino ay naitalagang Undersecretary-designate for Finance habang si Undersecretary Agnes Catherine Miranda ay naatasang tutukan ang operasyon ng DA Attached Agencies at Corporations.
Bukod dito, bumuo rin si Secretary Tiu Laurel Jr. ng grupo na tututok sa concerns, requests at pagsusumite ng DA sa Office of the President-Presidential Management Staff.
Ayon sa DA, layon ng reassignment na mapaganda pa ang operasyon sa kagawaran tungo sa hangaring makamit ang marching orders ni Pangulong Marcos Jr. na imodernisa ang sektor ng pagsasaka at mapalago ang food production sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa