Welcome para kay House Minority Leader at 4Ps Party-list Representative Marcelino Libanan ang dagdag na pondo para sa capital outlay ng Borongan Airport.
Ayon kay Libanan na dating nagsilbing kinatawan ng Eastern Samar, ang dagdag na P200 million na pondo ay magagamit sa pag-upgrade ng aviation infrastructure ng paliparan.
At dahil sa nagiging surfing destination na rin aniya ang Borongan ay malaking tulong ito para makahikayat pa ng dagdag na turista sa kanilang probinsya, lalo at target nila na maging surfing capital ito sa Visayas.
“The airport’s improvement will facilitate the transfer of people and goods, and help bring in more tourists. Our goal is to increase the airport’s capacity to accommodate more commercial flights,” sabi ni Libanan.
Nitong nakaraang taon lang nang buksan ng Philippine Airlines ang Cebu-Borongan-Cebu flights at target aniya nila na madagdagan pa ang mga flight na ito.
Kasalukuyang ginagawa ang 200-meter extension para sa 1.3-kilometer runway ng paliparan. | ulat ni Kathleen Forbes