Patuloy pang pinaghahanap ng mga operatiba ng Ozamiz City Police Office ang dalawa sa tatlong mga suspek na nagnakaw sa loob ng Gaisano Mall sa Ozamiz City.
Ayon kay Police Major Dennis Tano, hepe ng Ozamiz City police, nagpapatuloy ang kanilang manhunt operation laban sa dalawang nagtatagong mga suspek.
Matatandaan na umabot sa P41.7-million halaga ng mga jewelry items at cash ang tangay ng mga kawatan sa nangyaring panloloob sa Gaisano Mall sa lungsod ng Ozamiz noong madaling ng Bagong Taon.
Ayon kay Maj. Tano, ang pagnanakaw ay pinlano ng ilang buwan dahil hinukay ng mga suspek ang ilalim na bahagi ng mall, gamit ang heavy equipment, para makapasok sa loob establisemyento.
Aniya, nang nakapasasok na ang mga ito, winasak nila ang vault ng dalawang jewelry shop at ang automated teller machine (ATM) ng Metro Bank sa loob ng Gaisano Mall.
Ayon kay Tano, dakong alas 11:35 na ng umaga, sa pagbukas ng mall, naiulat sa Ozamiz police ang pangyayari matapos matuklasan ng isang empleyado ng food court ang butas sa sahig ng mall.| ulat ni Lesty Cubol| RP1 Zamboanga Sibugay