Nasagip ng isang foreign cargo vessel ang dalawang mangingisdang limang oras na nagpalutang-lutang sa karagatang sakop ng Agno, Pangasinan matapos palubugin ng malakas na alon ang bangkang gamit ng mga ito.
Ayon sa datos mula sa Philippine Coast Guard (PCG) Pangasinan, pumalaot para mangisda ang mga mangingisda noong ika-30 Disyembre 2023 sa layong 30 nautical miles ng Agno, Pangasinan. Pinalubog umano ng isang malakas na alon ang bankang pangisda bandang 2:00 madaling araw sa parehong araw.
Makalipas ang limang oras na pagpapalutang lutang sa karagatan ay na-rescue ang mga mangingisda ng Wadi Almalikat, isang foreign cargo vessel na rehistrado sa bansang Egypt na dumadaan sa lokasyon ng mga mangingisda.
Kinilala ang mga nailigtas na mangingisda na sina Randy Arbollyenty, tatlumpong taong gulang at Mark Kimber, tatlupu`t pitongtaong gulang na pawang residente ng Brgy Boboy Agno, Pangasinan.
Agad naman rumesponde ang mga kawani PCG at Philippine Navy upang tunguhin ang nasabing foreign cargo vessel.
Idinaong ang mga mangingisda sa Sual Pangasinan Fish Port noong ika-31 Disyembre 2023 kung saan isinailalim ang mga ito sa medical check-up.| ulat ni Ricky Casipit| RP1 Dagupan