Nanindigan ang Department of Budget and Management na legal ang ‘unprogrammed appropriations’ na nakapaloob sa P5.768 trillion na pambansang pondo para sa taong ito.
Ginawa ni Budget Sec. Amenah Pangandaman ang pahayag na ito matapos kwestyunin ng ilang kongresista sa Supreme Court ang legalidad ng ‘unprogrammed funds’.
Sabi ni Pangandaman, dumaan sa matinding deliberasyon ng Kongreso ang nasabing budget kung kaya’t walang dapat ikabahala ang mga petitioner.
Pinangunahan ni Albay 3rd District Cong. Edcel Lagman ang grupong naghain ng petisyon sa Supreme Court noong Martes para kwestyunin ang mahigit P400 million na ‘unprogrammed funds’.
Tanggap naman daw ng DBM ang mga ganitong petisyon upang magkaroon din ng pagkakataon ang administrasyon na ipaliwanag ang legalidad ng kinukuwestyong budget.
Patunay din daw na gumagana ang demokrasya sa bansa dahil iginagalang nila ang mga ganitong hakbang.
Hinala niya, posibleng ang magkaibang interpretasyon lamang ang nag-udyok kay Cong. Lagman para maghain ng petisyon sa Korte Suprema.
Muling inulit ng Kalihim ang nauna niyang pahayag na, ang ‘unprogrammed fund’ ay standby budget lamang at hindi magagamit ng basta na lamang.
Ang pondong nakalaan dito ay manggagaling pa sa maaaring maging sobrang tax collection o kaya ay sa mga foreign loan o grants.
Sakaling magkaroon ng mga excess revenues, kailangan pa rin daw magsumite ng mga documentary requirements ang sinumang ahensya ng gobyerno bago makakuha sa nasabing ‘unprogrammed funds’. | ulat ni Michael Rogas