Pansamantala munang ipinatigil ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng sibuyas.
Tatagal ang direktibang ito ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. hanggang sa Mayo.
Ayon kay Laurel, posibleng palawigin ito hanggang Hulyo depende kung magiging sapat ang domestic harvest at maaabot ang local demand.
Dagdag pa ng kalihim, layon nitong mapigilan ang sobrang baba ng presyo bunsod ng labis na suplay.
Gayunman, inihayag ng opisyal na patuloy silang magbabantay dahil sa inaasahang epekto ng El Niño.
Sa Marso at Abril naman inaasahan ang full impact ng El Niño.
Kahapon nakipagpulong si Laurel sa mga kinatawan ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. at pinag-usapan ang pagsirit sa domestic supply ng sibuyas bunga ng mga fresh harvest, at pagdating ng karagdagang supply ng mga imported.
Sa ngayon dahil sa mataas na suplay, nasa P50 hanggang P70 ang kada kilo ng sibuyas at malamang na bumaba pa ito sa susunod na buwan dahil sa panahon ng anihan.
Sa Nueva Ecija na pinakamalaking pinanggagalingan sa Luzon, P20 na lang ang kada kilo ng sibuyas kaya’t dehado ang mga magsasaka. | ulat ni Diane Lear