Inilabas na ng Department of Education (DepEd) ang Department Order na nag-uutos ng agarang pag-alis ng mga administrative tasks ng mga guro sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Batay sa Department Order No. 002 s. 2024 na inilabas at nilagdaan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, kabilang sa mga trabahong administratibo na hindi maaaring ipagawa sa mga public school teacher ay:
- Personnel Administration
- Property/Physical Facilities Custodianship
- General Administrative Support
- Financial Management
- Records Management
- Program Management (feeding, school DRRM, at iba pang katulad na mga programa)
Alinsunod sa kautusan ng DepEd ang mga school head at non-teaching personnel na ang may responsibilidad sa mga gawaing administratibo sa mga paaralan.
Samantala, upang matugunan ang mga pangangailangan sa mga non-teaching personnel requirement ng mga paaralan, maaaring mag-deploy ang mga School Division Office ng mga tauhan para rito.
Ipatutupad naman ang naturang kautusan sa loob ng 60 araw. | ulat ni Diane Lear