Inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang Teacher Effectiveness and Competencies Enhancement Project (TEACEP) sa DepEd Central Office, ngayong araw.
Ito ay sa pakikipagtulungan sa World Bank upang magkaroon ng mga reporma sa mga programa ng DepEd partikular sa standard ng pagtuturo ng mga guro.
Layon nitong mapabuti ang kalidad ng edukasyon at mabigyan ng access sa edukasyon ang mga mag-aaral sa Region 9, Region 12, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na nakatuon sa literacy at numeracy.
Nagpasalamat naman si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa suporta ng World Bank upang mas lalong mapahusay ang kakayahan ng mga guro para sa ating mga mag-aaral.
Sa panig naman ni World Bank Country Director sa Pilipinas na si Ndiame Diop, tiniyak nito ang patuloy na suporta ng World Bank sa edukasyon sa bansa lalo na sa MATATAG Agenda ng DepEd.
Tinatayang nasa 57,800 na K-6 na mga guro; 6,060 na school heads; at 1.88 milyon na mag-aaral mula sa Kindergarten hanggang Grade 6 ang mabebenepisyuhan ng naturang programa. | ulat ni Diane Lear