Pinaplantsa pa ng mga awtoridad ang huling latag ng seguridad para sa pagbabalik ng tradisyonal na Traslacion ng Poong Itim na Nazareno sa January 9 ng taong kasalukuyan.
Kabilang dito ayon sa Philippine National Police (PNP) kung magpapatupad ba ng signal jamming sa mga cellphone gayundin ng “No Fly Zone” sa buong Lungsod ng Maynila sa araw ng Traslacion.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, bagaman plantsado na ang ilang mga hakbang pangseguridad para sa okasyon, nagpapatuloy pa rin ang ginagawang threat assessment hinggil dito.
Paliwanag niya, habang papalapit kasi ang mismong araw ng Traslacion ay nagkakaroon ng pagbabago sa mga tinatanggap nilang impormasyon hinggil sa banta sa seguridad.
Bagaman sinabi ni Fajardo na wala pa silang natatanggap na anumang seryosong banta sa ngayon, posible aniyang mailabas na ang desisyon hinggil dito ilang araw bago ang Traslacion depende sa pangangailangan. | ulat ni Jaymark Dagala