Nakakolekta ang gobyerno ng P99.98 billion na dibidendo mula mga Government -Owned and Controlled Corporation (GOCC) sa taong 2023.
Ayon kay Finance Secretary at Governance Commission for GOCC member Benjamin Diokno ang mataas na dividend collection ay resulta ng fiscal discipline na ipinaalala ng Department of Finance (DOF) sa mga GOCC.
Malaking tulong aniya ito para suportahan ang kinakailangang development ng bansa.
Aniya, mananatiling committed ang kagawaran na istriktong bantayan ang performance ng mga GOCC upang tiyakin na ang pamamalakad nito at operasyon ay alinsunod sa polisya at programa para sa paglago ng bansa.
Base sa datos ng Bureau of Treasury, nasa 51 GOCC ang nag-remit ng kanilang mga dibidendo sa gobyerno kung saan ang Bangko Sentral ng Pilipinas ang “top dividend contributor” para sa taong 2023 sa halagang P55.61 billion.
Kabilang pa sa pangunahing contributor ang Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) P14.05 billion; Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) P6.96 billion; Philippine Ports Authority (PPA) P4.44 billion; Power Sector Assets & Liabilities Management Corporation (PSALM) P3.15 billion; at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) with P2.67 billion.
Ang GOCC dividend ang major source ng non-taxes revenues ng pamahalaan, upang pondohan ang pagpapatupad ng mga programa sa imprastruktura at iba pang social programs ng gobyerno. | ulat ni Melany Valdoz Reyes