Lumagda sa kasunduan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Professional Regulation Commission (PRC).
Layon nitong isama ang mga serbisyo ng PRC sa eGovPH App kung saan maaari nang ma-access ng mga Filipino professional ang kanilang digital Professional Identification Card (PIC) sa naturang app.
Pormal na nilagdaan nina DICT Secretary Ivan John Uy at PRC Chairperson Charito Zamora ang Memorandum of Understanding kahapon.
Ayon kay Secretary Uy, ang PRC na ang ika-44 na ahensya ng pamahalaan na nakipagtulungan sa DICT upang isulong ang digitalization sa kanilang mga sistema at proseso sa pag-isyu ng lisensya sa iba’t ibang propesyon.
Pinuri naman ni Chairman Zamora ang eGovPH App, na aniya ay game-changer upang mapadali ang transakyon ng taumbayan sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Sa tulong ng eGovPH App, maaari nang ma-access 24/7 ng mga professional ang kanilang digital PIC at napabibilis ang mga proseso sa kritikal sa serbisyo ng pamahalaan. | ulat ni Diane Lear