Nagpulong na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga water concessionaire para paghandaan ang posibleng kakulangan ng suplay ng tubig sa panahon ng El Niño phenomenon.
Tinalakay sa pulong ang mga istratehiya para maiwasan ang water shortage at supply interruptions.
Nais ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr, na tiyakin na may sapat na supply ng tubig habang umiiral ang tag tuyot.
Aniya, lahat ng pagsisikap ay ginagawa na ng DILG upang matiyak na lahat ng sektor ay nakikipagtulungan.
Sinabi pa ng kalihim na prayoridad ngayon ang patuloy na koordinasyon sa lahat ng involved sa isyu ng suplay ng tubig.
Bukod sa iba pang opisyal ng DILG,kasama sa pulong ang Liga ng Barangay Presidents mula sa National Capital Region, punong barangays mula sa Makati, Pasay, Parañaque, Manila, at Caloocan.
Gayundin ang mga kinatawan mula sa Maynilad, Manila Water, MWSS, at PAGASA.
Ayon sa PAGASA, asahan ang pagpapatuloy ng strong El Niño ngayong buwan at posibleng maramdaman pa hanggang sa panahon ng Marso hanggang Mayo 2024. | ulat ni Rey Ferrer