Hiningi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. ang aktibong pagtutulungan ng local government units at government agencies sa pagharap sa problema ng waste management at water security.
Ginawa ni Abalos ang panawagan sa ginanap na Waste and Water Summit sa SMX Convention Center na pinasimulan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) katuwang ang DILG.
Layon ng summit na palakasin ang ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng DENR, DILG, local government units (LGU) at iba pang stakeholder sa lokal na antas at iba pa.
Partikular na hinimok ni Abalos ang mga LGU na humingi ng tulong sa DILG at DENR upang mas mahusay na matugunan ang mga isyu sa pamamahala ng basura at mga problema sa tubig sa kanilang lokalidad.
Paliwanag ng kalihim, ang DENR ang magtatatag ng pamantayan para sa kalinisan para sa bawat lokalidad.
Habang ang DILG naman ang susubaybay at magbibigay ng monetary incentives sa mga LGU na ganap na sumunod sa proyekto. | ulat ni Rey Ferrer