Nakatakdang ilunsad ngayong araw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iba pang ahensya ng pamahalaan ang programang Kalinisan sa Bagong Pilipinas sa Baseco Compound, Maynila.
Layunin ng Kalinisan sa Bagong Pilipinas program na itaguyod ang malinis at mapayapang pamayanan sa pamamagitan ng pagsusulong ng wastong pamamahala ng basura at pagkilala sa mga pinakamalilinis na local government units (LGUs).
Kasabay nito ang paghimok sa mga bagong halal na opisyal ng mga Barangay at Youth Council na magsagawa ng mga aktibidad na may kinalaman sa programa ngayong araw.
Sa mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay ng programa sang-ayon sa pagdiriwang ng Community Development Week, binanggit nito ang kahalagahan ng malinis at ligtas na pamayanan bilang mahalagang hakbang sa pagsugpo ng polusyon, pagbabago ng klima, at kriminalidad.
Hinimok din ng Pangulo ang pagbabawas ng paggamit ng single-use plastics at pagsusulong ng programa ng gulayan sa mga Barangay.
Kaya naman inaanyayahan ng Punong Ehekutibo ang lahat na makiisa sa Community Development Day sabay paalala na dapat hindi lamang ito ipagdiwang isang araw sa isang taon bagkus araw-araw. | ulat ni EJ Lazaro