Tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na walang mapapalayas na pamilya sa programang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Housing Program ng pamahalaan.
Ito ang sinabi ni Abalos matapos magpahayag ng pagkabahala ang isang urban poor group sa 4PH Program.
Sa unang pagpupulong ng Metro Manila Council (MMC) ngayong taon, tutukuyin din ng mga ahensya ng gobyerno, local government unit (LGU), at pribadong sektor, ang mga lupaing gagamitin bilang ‘staging areas’ para maiwasan ang displacement ng mga pamilya sa panahon ng transition.
Una nang inanunsyo ng Marcos administration na magtatayo sila ng 170,000 housing units sa Metro Manila para sa mga informal settler na pamilya na may buwanang bayad na P5,000 o mas mababa.
Nauna nang iginiit ni Abalos na ang mga relocation site ay malapit sa orihinal na tirahan ng mga benepisyaryo na may in-city relocation.
Dagdag pa ng DILG chief, inatasan na niya ang mga LGU sa Metro Manila na ihanda ang listahan ng mga pamilyang makikinabang sa programa.
Una rito, hinimok ng grupo ng maralitang lungsod na Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang mga opisyal na magsagawa ng konsultasyon sa mga pamilyang informal settler, para sa proyektong pabahay ng pamahalaan. | ulat ni Diane Lear