Inaasahang simula Marso bubuksan na sa papamagitan ng Jeju Air ang direct flight mula Incheon sa South Korea patungong Puerto Princesa sa Palawan.
Ang sinabing hakbang na ito ay bahagi lamang ng resulta ng mga ugnayan sa pagitan ng city government ng Purto Princesa at ng Embassy ng Republic of Korea sa Pilipinas.
Ayon kay Demetrio Alvior Jr., chief ng City Tourism Department, inaasahan nito ang dagsa ng libo-libong turista kapag na-finalize na ang mga plano para sa direct flight na ito mula Incheon kung saan inaasahang bibista rin ang South Korean Ambassador.
Umaasa rin ang lokal na pamahalaan ng lungsod na ito ay makakatulong sa pagbuhay muli ng sektor ng turismo, na nahirapan pagkatapos ng pandemya.
Binibigyang diin din ni Alvior ang South Korea bilang isang malaking merkado para sa turismo sa Palawan na kayang buhayin ang sektor ng hospitality sa Puerto Princesa.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng City Tourism Department katuwang ang Department of Tourism (DOT) para magsaayos ng mga familiarization trip para sa mga South Korean journalist at business figures para sa mga interesadong mag-invest sa kanilang lungsod. | ulat ni EJ Lazaro