Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na magbibigay ito ng tulong sa Overseas Filipino Worker (OFW) na naaresto sa Japan at umano’y pumatay sa mag-asawang Hapon sa Tokyo.
Ito ang inihayag ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac matapos na matanggap ang ulat mula sa DMW-Migrant Workers Office sa Tokyo (MWO-Tokyo) kaugnay sa pagkakaaresto ng lalaking OFW.
Kaugnay nito ay tiniyak ng opisyal ang tulong sa nasabing OFW at kaniyang pamilya sa Pilipinas.
Ani Cacdac, nakikipag-ugnayan na rin ang DMW kay Philippine Ambassador to Japan Mylene Garcia at sa Embahada ng Pilipinas sa Tokyo.
Makikipagpulong din si Cacdac sa mga kinatawan ng MWO-Tokyo upang malaman ang kalagayan ng OFW at mabigyan ng legal na tulong.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Cacdac sa pamilya ng nasawing mag-asawang hapon. | ulat ni Diane Lear