Hindi na papayag ang Department of National Defense (DND) na tratuhin bilang “vendee” ng mga defense supplier.
Ito ang inihayag ni DND Secretary Gilbert Teodoro sa komperensyang pinamagatang “Fortifying Cyber Cooperation Towards Digital Security,” na inorganisa ng Stratbase ADR Institute at Embassy of Canada sa Manila Polo Club kahapon.
Ayon kay Teodoro malaki ang pagkakaiba ng pagiging “vendee” sa pagiging “client,” na siyang dapat na pagtrato sa Pilipinas ng mga defense supplier.
Bilang bahagi ng pagpapalakas ng seguridad, sinabi Teodoro na sa capability upgrading program ng Armed Forces of the Philippines (AFP), magkakaroon ng “redundancy” sa supply ng mga mahalagang kagamitan, kung saan ikukunsidera ang “vendor reliability” at “servicing reliability.”
Giit ni Teodoro, hindi na magiging “vendors paradise” ang bansa, at ikukunsidera ng DND ang “risk profile” ng mga bansang pinagmumulan ng mga kagamitan.
Titignan din aniya ng kagawaran ang potensyal para sa joint venture sa pagkuha ng mga kagamitan, na posibleng maging tulad ng “business model” na iminungkahi ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. | ulat ni Leo Sarne