Naghahanda na ang Department of Health para sa gagawin nilang investment ng primary health care plan para sa mga mahihirap na Pilipino.
Sa paglulunsad ng 28 for 28 by 28 plan ng DOH, nais ni Health Sec. Teodoro Herbosa na makapagtayo ng 28 na mga urgent care at ambulant services para sa 28 milyong mahihirap na Pilipino.
Sa planong ito, magtatayo ang DOH ng specialty hospitals sa iba’t ibang rehiyon sa bansa upang mabawasan ang sobrang dami ng mga pasyente sa mga malalaking government hospitals at gawing moderno ang barangay health centers.
Ayon naman kay Asst. Sec. Albert Domingo, ang pangunahing layunin ng mga itatayong primary health care ay para mas maagang malaman ang sakit ng mga Pilipino upang agad itong maagapan.
Sa ginawang paglulunsad ng primary health care, present ang mga dating kalihim ng DOH tulad nina Pauly Obial at Enrique Ona.
Sabi ni Herbosa, ngayong taon ay target nila na makapagtayo ng limang National Ambulatory and Urgent Care Facilities at target din na makumpleto ang kabuuang 28 sa taong 2028. | ulat ni Michael Rogas