Nagbabala ngayon sa publiko ang Department of Transportation o DOTr hinggil sa mga ipinakakalat na maling impormasyon ng social media page na “Manila Metro”.
Ito’y makaraang kumalat ang post ng naturang social media page hinggil sa pagbebenta ng beep card na kayang makapagbigay umano ng libreng sakay sa Metro Manila Subway sa loob ng isang taon.
Sa abiso ng DOTr, mariin nitong itinanggi na konektado sa kanila ang mga taong nasa likod ng Manila Metro social media page at wala silang kinalaman sa anumang impormasyong ipinakakalat nito.
Anuman anilang ini-aalok nito sa kanilang social media page ay hindi awtorisado ng Kagawaran maging ng AF Payments na siyang concessionaire ng mga Beep Card.
Kaya naman, pinag-iingat ng DOTr ang publiko hinggil sa mga ipinakakalat na maling impormasyon ng naturang social media page. | ulat ni Jaymark Dagala