Tiniyak ng Marcos administration na nakahanda ang gobyerno na magsagawa ng mga kinakailangang hakbang upang mapagaan ang epekto ng inflation sa gitna ng nararanasan ngayong global headwinds.
Ito ang pahayag ni Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno kasabay nang natamong 3.9 percent na inflation ng bansa.
Ayon kay Diokno, maituturing na dahil sa isinagawang whole-of-government approach ng pamahalaan kaya nakamit ang naturang datos.
Dagdag ni Diokno, sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nag-commit ang pamahalaan na paigtingin ang approach upang maibsan ang epekto ng inflation lalo na sa vulnerable sector.
Nangako naman ang economic team ng Marcos administration ng kanilang pagsisikap na makamit ang 2 to 3 percent inflation at 6 to 7 percent na paglago hanggang 2028. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes