Matapos ang dalawang magkasunod na sunog na sumiklab sa Cebu City Sabado ng gabi, agad na sumaklolo ang mga kawani ng Department of Social Welfare and Development 7.
Bumisita ang mga miyembro ng Quick Response Team (QRT) at Disaster Response Management Division (DRMD) mula sa DSWD 7 sa barangay Carreta at barangay Basak Pardo upang magbigay ng tulong at magsagawa rin ng assessment sa sitwasyon ng mga biktima.
Nakapag-abot ng family food packs ang mga kawani ng DSWD sa dalawang evacuation centers habang nakipag-usap sa Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office para sa isinagawang initial assessment sa nangyaring sunog.
Nasa 120 pamilya ang apektado ng sunog sa barangay Basak Pardo habang nasa 90 pamilya ang nasunogan sa barangay Carreta.
Mismong sina DSWD-7 Assistant Regional Director for Administration Tonyson Luther S. Lee at DRMD Division Chier Lilibeth Cabiara ang nag-ikot sa barangay Carreta habang si Assistant Regional Director Juanito C. Cantero at Disaster Response Section Head Hazel Dinah Miel naman ang nanguna sa pagbisita sa evacuation center sa barangay Basak Pardo.
Bukod sa family food packs at initial assessment mula sa DSWD 7, may naka-deploy din na kawani ng ahensya upang pangasiwaan ang mga evacuation centers kasama ang kanilang LGU counterpart mula sa Cebu City Government.
Unang tumunog ang alarma ng sunog sa Sitio Kalapukan, barangay Carreta pasado alas-9 ng gabi, ilang metro lamang mula sa regional field office ng DSWD Central Visayas.
Ang ikalawang alarma ng sunog Enero 6 ng gabi ay naganap sa residential area sa barangay Basak Pardo bandang 11:33 bago mag hating gabi.
Kapwa umabot sa ikatlong alarma ang magkasunod na sunog bago tuluyang maapula ng mga kawani ng Bureau of Fire Protection kasama ang mga fire volunteers.| ulat ni Jessa Agua-Ylanan| RP1 Cebu