Umaasa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa isang mas komprehensibong intervention para sa mga pamilya, bata, at indibidwal na nakatira sa lansangan.
Sa isinagawang kauna-unahang Inter-Agency Committee (IAC) meeting para sa Oplan Pag-Abot, hiniling ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang suporta ng iba’t ibang ahensya para maisakatuparan ang hangarin ng Executive Order (EO) No. 52.
Kabilang sa dumalo rito ang mga kinatawan ng Department of Education (DepEd), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of the Interior and Local Government (DILG), at ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP).
Matatandaang noong January 18 nang mag-isyu ang Malacañang ng Executive Order 52 na layong higit na pahusayin at pag-isahin ang paghahatid ng mga serbisyo at tulong sa mga mahihirap na Pilipino sa lansangan sa pamamagitan ng pagbibigay ng social safety nets.
Ayon kay DSWD Sec. Gatchalian, partikular na kailangan ng ahensya ng suporta sa paghahatid ng post-reach-out care services na maliban pa sa ibinibigay ng kagawaran.
Kabilang dito ang pagbibigay sa kanila ng hanapbuhay o negosyo pag-uwi sa kanilang mga probinsya nang makapagsimula sa buhay.
“We are planning to tighten a package together with all of you, a comprehensive package of aftercare for them, whether tulungan ninyo magsaka, tulungan magnegosyo [you help them farm or start a business].”
Ngayong 2024, tuloy-tuloy at mas pinalawak ang pagtulong ng Oplan Pag-Abot Project sa mga bata, indibidwal, at pamilyang nasa lansangan.
Kasalukuyang naglilibot ang Oplan Pag-Abot Team sa buong Metro Manila upang masiguro na matulungan ang lahat ng target na benepisyaryo ng programa. | ulat ni Merry Ann Bastasa