Hinikayat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), na gamitin ang iba’t ibang tertiary education support programs ng pamahalaan.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, maaaring gamitin ng 4Ps beneficiaries sa pag-aaral ang iba’t ibang educational assistance programs ng Commission on Higher Education (CHED) gaya ng scholarships, grant-in-aid, at student loan programs.
Sinabi pa ni Secretary Lopez, ang mga programa ay ibinibigay ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) para sa mga qualified at eligible poor households kabilang na rito ang 4Ps beneficiaries.
Ang 4Ps beneficiaries ay maaaring makapag-avail ng libreng edukasyon sa alin mang State Universities and Colleges (SUCs) at CHED-recognized Local Universities and Colleges (LUCs), batay na rin sa Republic Act 10931 na nagbibigay ng exemption sa mga estudyante sa pagbabayad ng tuition at iba pang school fees.
Sa kasalukuyan, may 113 SUCs at 104 LUCs sa buong bansa ang nagbibigay ng libreng tertiary education sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Maaari ring makakuha ang mga benepisyaryo ng libreng technical-vocational education at training na isinasagawa naman ng TESDA sa lahat ng state-run technical-vocational institution.
Ang beneficiaries na nagnananais na mag-avail o mag-enroll sa alin mang CHED-recognized public at private higher education institutions ay makakakuha din ng Tertiary Education Subsidy (TES).
Samantala, maaari din na maging option ng beneficiaries ang isa pang programa na Tulong Dunong Program (TDP), kung saan entitle din sila sa maximum amount na P15,000 grant para sa isang taon. | ulat ni Rey Ferrer