Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naabot nito ang 99% sa annual target para sa implementasyon ng centenarian program noong 2023.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, nasa 2,444 na centenarians o kabuuang 99.15% ng taunang target ng programa ang nabiyayaan ng centenarian incentives ng DSWD.
Ayon sa opisyal, base sa probisyon ng centenarian gifts para sa Pilipino, ang sinuman na umabot sa edad na 100 taon pataas ay magiging parte ng Centenarian Program, alinsunod sa Republic Act No. 10868 o Centenarians Act of 2016.
Sa ilalim ng programa, ang centenarian ay bibigyan ng P100,000 cash incentives at Letter of Felicitation na may lagda ng Presidente ng Pilipinas kung saan nakalagay dito ang pagbati para sa kanilang mahabang buhay.
Bukod sa cash gift, magbibigay din ang DSWD ng posthumous plaque of recognition, para naman sa mga nasawing centenarian tatanggapin naman ito ng malapit niyang kaanak.
Samantala, naglaan ng mahigit sa P186 milyon ang DSWD para pondohan ang full implementation ng centenarian program ngayong 2024. | ulat ni Diane Lear