Pasisimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) ang cash for work program para sa mga persons with disabilities (PWDs) sa Valenzuela City.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, ang proyekto ay sisimulan ngayong Pebrero hanggang Mayo.
Sinabi ni Lopez, ang inauguration ng CFW program for persons with disability ay kabilang sa commitment ng ahensya na magpa-prioritize sa pangangailangan ng mga nasa mahihirap na sektor ng lipunan.
Aniya, may 800 low-income PWDs ang tutulungan na makapasok sa trabaho at bibigyan ng cash assistance kapalit ng kanilang serbisyo.
Ang mga identified beneficiaries naman ay ide-deploy sa may 42 elementary at 26 high schools sa Valenzuela City, sa ilalim ng pangangalaga ng school principals at officials ng local government unit.
Ang CFW program sa Valenzuela City ang siya namang magiging pilot testing para sa implementasyon ng KALAHI-CIDSS sa National Capital Region (NCR).| ulat ni Rey Ferrer