Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagsasagawa ng community validation at scope registration para sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom 2027: Food Stamp Program (FSP) sa San Mariano, Isabela.
Ayon sa DSWD Field Office-2 (Cagayan Valley), nasa 475 households ang inasahang lalahok sa FSP validation and registration process.
Kabilang dito ang orientation para sa rules ng programs, profiling, at biometrics registration kung saan ang qualified pilot beneficiaries ay makatatanggap naman ng Electronic Benefit Transfer (EBT) cards sa susunod na buwan.
Matatandaang noong January 15, lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) ang DSWD sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng San Mariano para sa pilot implementation ng FSP.
Napili ito bilang isa sa mga pilot areas dahil na rin sa isa ito sa maituturing na Geographically Isolated and Disadvantaged Area (GIDA) bukod pa sa kailangan din ng food assistance ng mga naninirahan dito.
Bukod sa Isabela, ongoing din ang pilot-run ng FSP sa Tondo, Manila at Dapa, Siargao Island. | ulat ni Merry Ann Bastasa