May isanlibong metric tons ng bigas ang tinanggap ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa donasyon ng Taiwan.
Pinangunahan ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) Chairman Silvestre Bello III ang pag-turnover ng mahigit 30,000 bags ng bigas na tinanggap ni DSWD Undersecretary for Disaster Management Diana Cajipe, sa isang warehouse ng NFA sa Valenzuela City.
Sinabi ni Bello na ang donasyon ay bunga ng matibay na relasyon ng Pilipinas at Taiwan.
Asahan pa aniya ang karagdagan pang 1,000 metric tons ng bigas sa susunod na buwan na parating mula sa Taiwan.
Sa panig ng DSWD, sinabi ni Usec. Cajipe na kaagad ipamamahagi ang mga donasyong bigas.
Bukod sa mga posibleng maapektuhan ng mga kalamidad, ipagkakaloob ito sa mga mahihirap o higit na nangangailangan, lalo na ngayong nararamdaman na sa mga sakahan ang El Niño.
Tiniyak din ni Usec. Cajipe na magbibigay sila ng report sa MECO para maipabatid kung saan napupunta ang bigay na tulong.| ulat ni Rey Ferrer