Kapwa ipinahayag nina Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangadaman at Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Fred Pascual ang kanilang suporta sa pagtatalaga kay Rep. Ralph Recto bilang bagong kalihim ng Finance Department.
Sa mensahe ni Sec. Pascual, ipinaabot niya ang kanyang buong suporta kay Recto kasabay ng patuloy na pakikipag-ugnayan nito sa economic team para sa pagsasakatuparan ng mga economic priorities ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nagpahayag din si Pascual ng pasasalamat kay outgoing Sec. Benjamin Diokno dahil sa mga pagsusumikap nito na itaguyod ang mga transpormasyon sa ekonomiya ng bansa.
Ganito rin ang naging pahayag ni Sec. Pangandaman kung saan sinabi nito na sa paglisan ni Sec. Diokno sa DOF ay nakamit ng bansa ang 7.6% GDP growth noong 2022 na itinuturing na pinakamabilis mula noong 1976 at bilang “guiding light” ng Philippine Economic Team.
Kumpiyansa naman si Pangandaman na ipagpapatuloy ni Recto ang mga economic transformation na nasimulan ni Diokno.
Kahapon, Enero 12, pormal nang nanumpa bilang bagong DOF Chief si Recto kasama si Sec. Frederick Go bilang bagong appointed na Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs. | ulat ni EJ Lazaro