Ipinahayag ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Fred Pascual ang buong suporta nito para sa pagbubukas ng JG Summit Petrochemicals Manufacturing Complex expansion sa Batangas City kung saan personal na dumalo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa inagurasyon nito kahapon.
Sa pahayag ni Sec. Pascual, binigyang-diin nito ang mahalagang papel ng petrochemical industry sa pagsusulong ng economic growth at sa pagtamo sa layunin ng Pilipinas bilang pangalawa sa may pinakamataas na foreign direct investment sa Southeast Asia pagdating ng taong 2028.
Binanggit din ng Kalihim na pumapapel ang expansion ng nasabing manufacturing complex sa pagpapabuti nito sa kalagayan ng bansa sa pag-produce ng mahahalagang inputs para sa mga pangunahing sektor tulad ng semiconductors, electronics, electric vehicles, at renewable energy.
Kapwa pinuri naman ni Pangulong Marcos at Sec. Pascual ang dedikasyon ng JG Summit sa pakikipagtulungan nito sa gobyerno tulad ng pag-secure ng malalaking investment opportunities at pagbibigay ng mas maraming de-kalidad na trabaho para sa mga Pilipino. | ulat ni EJ Lazaro