Naghayag ng labis na pagkadismaya ang Ecowaste Coalition environmental group dahil sa sangkaterbang basurang naiwan sa Traslacion ng mahal na Itim ng Nazareno, kahapon.
Ayon kay Ochie Tolentino, Zero Waste Campaigner ng EcoWaste Coalition, nananatiling mailap ang walang basurang pagdiriwang ng kapistahan ng Itim na Nazareno.
Gayunman, buo pa rin ang pag-asa ng grupo na sasapit din ang Traslacion mula sa kasalukuyang makalat patungo sa maaliwalas na hinaharap.
Naniniwala ang mga ito na sa mga susunod na taon ay mas maraming deboto ang makikinig na sa panawagan para sa ecological conversion, sa gitna ng lumalaking plastic pollution at climate change.
Sa ginanap na Traslacion ngayong taon, maraming basura ang iniwan ng mga deboto sa Luneta Grandstand at sa mga lansangan ng Quiapo.
Noong 2020 sa panahon ng pandemya, iniulat na nakakulekta ng 68 truckloads o mahigit 330 metric tons ng basura sa Traslacion. | ulat ni Rey Ferrer