Patuloy na hinihikayat ng environmental watchdog group na EcoWaste Coalition na iwasan o di naman kaya ay bawasan ng mga deboto ng Poong Itim na Nazareno ang pagtapon ng mga basura sa isasagawang Traslacion ngayong taon.
Kaya naman ilang mahahalagang eco-tips o gabay ang ibinahagi nito sa isinagawa nitong event na “Kalakip ng Debosyon ang Malinis na Translacion” para sa malinis at walang kalat na selebrasyon pagsapit ng Martes, Enero 9.
Kabilang dito ang paghikayat sa mga mag-oorganisa na iwasan ang paggamit ng mga disposable na plastic at plastic tarpaulins. Kabilang na ang paalala sa mga deboto na iwasan ang paggamit ng single-use plastics at kung maari ay gumamit ng mga reusable containers para sa pagkain at inumin
Gayundin ang pagsunod sa patakaran ng “walang kalat at walang paninigarilyo” sa Luneta, at pagtapon ng mga basura sa tamang lalagyan.
Habang hinimok din nito ang mga lider ng barangay na paalalahanan ang mga residente at bisita nito para sa responsableng selebrasyon.
Pagsapit naman ng Enero 9, magde-deploy ang EcoWaste Coalition ng mga volunteers nito upang makatulong sa paglilinis sa Rizal Park matapos ang kaganapan ng Traslacion sa lugar. | ulat ni EJ Lazaro