Umaapela ang environmental watchdog group na EcoWaste Coalition sa mga debotong makikiisa sa Traslacion 2024 na sumunod sa “no smoking, no littering” policy sa Rizal Park kung saan nakaiskedyul ang mayorya ng aktibidad para sa Kapistahan ng Itim na Nazareno kabilang na rito ang tradisyonal na ‘Pahalik.’
Sa ilalim ng RA 9003, ipinagbabawal ang paninigarilyo at pagkakalat sa Rizal Park.
Ayon kay Ochie Tolentino, Zero Waste Campaigner ng EcoWaste Coalition, mahalagang ikonsidera ng mga magtutungo sa Rizal Park ang kapakanan ng kanilang kapwa sa pamamagitan ng hindi paninigarilyo o paggamit ng vape.
Dapat rin aniyang mapanatili ang malinis na kapaligiran sa pinakamalaking urban park sa Metro Manila.
“As Black Nazarene devotees line up for the traditional ‘Pahalik’ at the Quirino Grandstand, we appeal to everyone to be considerate and refrain from smoking and littering in Metro Manila’s largest urban park,” panawagan ni Tolentino.
Ayon kay Tolentino, bagamat isang hamon na manatiling smoke- at litter-free ang buong Traslacion, umaasa itong mananaig sa mga deboto ang kanilang respeto sa Poong Nazareno sa pamamagitan ng hindi pagkakalat.
“As imitation is at the heart of being human, we hope many, if not all, will be inspired to copy devotees who do not litter, smoke or vape because they care for themselves and the people around them and their surroundings,” dagdag pa ni Tolentino.
Tinukoy rin ng EcoWaste na magandang pagkakataon ang Traslacion para makiisa ang bawat isa sa “Zero Waste Month” at ang itinutulak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na “Kalinisan sa Bagong Pilipinas” program.
“Traslacion 2024 provides a good opportunity to show our solidarity with our nation’s efforts to prevent and reduce pollution, which is essential if we are to uphold the human right of every Filipino to a clean, healthy, and sustainable environment,” ani Tolentino.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng EcoWaste na may mga ide-deploy itong tauhan para magsagawa ng clean-up operations sa paligid ng Quirino Grandstand sa January 9, mismong araw ng Traslacion. | ulat ni Merry Ann Bastasa